Sa lahat ng damdamin ng puso ng tao ay wala nang mahal at dakila na gaya ng pag-ibig. Ang katwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang Maykapal, at ang kapwa-tao ay siya lamang mangyayaring maging sanhi ng pag-ibig; siya lamang makapagpapabukal sa loob ng tunay at banal na pag-ibig. Kung ang masama at matuwid ay ninanasa rin ng loob, hindi ang pag-ibig ang tunay na siyang may udyok kundi ang kapalaluan at kasakiman.
Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga bayan ay hindi magtatagal, at kara-karakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis.
Ang tunay na pag-ibig ay walang iba kundi iyong makaaakay sa tao sa mga dakilang gawa sukdulang ikawala ng buhay sampu ng kaginhawahan.
Ngunit ang kasakiman at ang katampalasanan ay nag-aanyo ring pag-ibig kung minsan, at kung magkagayon na ay libu-libong mararawal na kapakinabangan ang nakakapalit ng gapatak na pagkakawanggawa na nagiging tabing pa mandin ng kalupitan at ng masakim na pag-iimbot. Sa aba ng mga bulag na isip na nararahuyo sa ganitong pag-ibig.
Ang pag-ibig – wala na kundi ang pag-ibig na tanging binabalungan ng matatamis na alaala sa nagdaan at ng pag-asa naman sa darating. Sa malawak na dagat ng ating mga kahirapan at pagkadusta, ang pag-ibig ay siyang nagiging dahilan lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay.
Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang magbabatang mag-iiwi sa mga sanggol? At mabubuhay naman kaya ang mga anak sa sarili lamang nila? Kung ang anak kaya naman ay walang pag-ibig sa magulang, sino ang magiging alalay at tungkod ng katandaan? Ang kamatayan ay lalo pang matamis kaysa buhay para sa matandang nangangatal ang tuhod at nanlalabo ang pagod na mga mata ay wala nang malingapang mag-aakay at makaaaliw sa kanyang kahinaan.
Answers & Comments
ANG PAG-IBIG (SANAYSAY NI EMILIO JACINTO)